Inikozen Axis Project
This blog is in Filipino language
2 years ago, inisip ko nang gumawa ng sarili kong website at Youtube channel kung saan ako gagawa ng mga kwentong gustong-gusto kong isulat without feeling na may 'target audience' akong kailangang isipin.
Plano ko na sa Youtube channel ko i-u-upload ang mga short stories ko habang sa website ko naman i-popost ang mga blog posts. Sa mga blog posts kong ito ninyo mababasa ang mga behind the scenes ko't paminsan-minsa'y ishe-share ko sa inyo ang thought processes ko.
Kung mayroon din akong bagong libro't merch, sa website ko ito ipo-post kaagad.
Fast forward 2026, nagkaroon na ako ng website at Youtube channel. Ang tagal ko bago makausad kasi napakarami kong inisip at plinano bago ko ito gawin. Mahirap rin kasi talaga na magkaroon ng utak na sobrang overthinker 🤦
After much planning, napag-isipan kong hindi na ako magiging active sa social media. Mayroon akong moderator sa mga social media channels ko't siya ang magpopost ng monthly updates doon pero ako mismo, hindi na pupunta sa mga platforms na iyon. Napansin ko kasi na after all these years, yung mga time na masyado akong overstimulated (at minsan ay depressed) ay kapag active na active ako sa mga platforms na 'yon.
I also enjoyed this pace. Yung sobrang slowed down nang lahat ng bagay para sa'kin. Yung parang wala akong hinahabol na deadline kaya mas nakakagawa ako ng mga bagay na gusto kong gawin. Napapaisip nga ako, sana pala, dati ko pa ito ginawa.
Ano ba ang goal ko sa paggawa ng Inikozen Axis : Philippine Dark Stories? Simple lang. Para magkaroon ako ng way para mailabas ko ang lahat-lahat ng creative juices ko. Kapag may storya kasi akong hindi nailalabas, napapansin ko sa sarili kong parang nag-o-overload ang utak ko't sinasabi nito na kailangan ko nang magsulat. Na para bang mayroon siyang checklist na kating-kati na i-check pero hindi niya magawa kasi nga, na-stuck lang sa utak ko yung kwento.
I chose dark stories dahil yun talaga yung passionate akong gawin. Alam kong sa Pilipinas ngayon ay mas maraming audience sa mga romance stories mas lalo na kung magsusulat ka sa mga online platforms tulad ng Wattpad pero tulad ng sabi ko kanina, ginawa ko itong project na ito para makasulat ako ng stories na gustong-gusto kong isulat nang hindi iniisip kung sino ang magiging target audience ko. Mahilig ako sa mystery, sa thriller, sa mga kwentong nakakatakot o nakakagulat o minsa'y twisted - sa mga kwentong ganito talaga gumagana ang utak ko, eh.
Gusto kong gumawa ng mga orihinal na storya na hango sa totoong buhay kasi sa mga kwentong isusulat ko, may maaaring matutunan ako at ang mga magiging audience ko. Kadalasan ay grounded kasi ang mga kwento ko sa reyalidad. Nanggagaling ang mga storya ko sa mga sariling reflections ko't sa mga pangyayari sa totoong buhay. Kadalasan rin, nanggagaling ang mga kwento ko sa mga napapanaginipan ko.
Before akong maging si InikoZen Axis, nakapagsulat na ako ng mga kwento sa isang online writing platform (Wattpad) at nakapag-publish na ako ng mga libro na nadistribute sa iba't ibang bookstores tulad ng National Bookstore. Nanalo kasi ako sa isang contest ng Viva-PSICOM dati kaya nila ako nadiscover. Ilang beses na ring nadiscover ang aking gawa gamit ang iba ko pang mga pseudonym dati.
Sa Wattpad, nakapagsulat ako ng romance story na umabot sa 500k views bago ko tinanggal sa platform. Bakit ko tinanggal? Tanungin niyo sa utak ko noong bata pa ako. Ewan ko ba, noong dati kasi, masyado akong walang tiwala sa sarili kaya noong nakikilala na ang gawa ko, tinanggal ko ang kwento ko doon bigla.
Noong nag-start ako sa Wattpad, StainedEros ang pangalan ko. Flincher's Guide to Alphamale ang unang kwento ko. Simpleng love story lang tungkol sa mga kalokohan ng bidang lalaki.
Tapos noong nakapag-publish na ako sa PSICOM publishing, nag-stick ako sa tunay kong pangalan. After ilang taon ulit, gumawa ako ng ibang pseudonym - naging si Fidus Crimxxon ako. From romance, naging mystery/thriller ang genre ko. Pinili ko ang bagong pseudonym na ito kasi inisip ko that time na much better na ma-separate ko ang personal at private life ko.
At ngayon, pinili ko na ang pangalan na InikoZen Axis at ito na ang gagamitin ko permanently moving forward.
Pinili kong mag-iba muli ng pangalan dahil ibang-iba na ang mga kwentong isinusulat ko ngayon kaysa sa mga isinusulat ko dati. Noong dating-dati, nagsusulat ako ng romance, pero ngayon, hindi na gaano. In fact, parang noong ang pangalan ko ay StainedEros at Fidus Crimxxon pa, parang nasa experimental stage pa lang ako ng writing career ko. Pero ngayon, mas kilalang-kilala ko na ang sarili ko.
Napansin ko rin kasi sa sarili ko na nag-iba na rin ang writing style ko. Nag-iba na rin ako bilang isang tao - kapag tumatanda na yata talaga (hindi pa naman ako sobrang tanda pero for sure hindi na ako bata haha), nagkakaroon ako ng mindset shift, eh. Iba't ibang phases ng buhay at writing career sa iba't ibang pagkakakilanlan.
Ngayon, nasa last phase na ako. Ito yung pinakabanayad na phase ng buhay ko kasi wala na akong pakialam sa kahit anong expectations, kundi, nagsusulat na lang ako para sa sarili ko't para malabas ko ang creative juices ko.
So yes, welcome to my new project, my new life, and my new blog. 🙏